may isang bagay na parati kong dala araw-araw. ewan ko ba kung bakit. simula nang binili ko 'to almost two months ago, parati ko ng 'tong bitbit. pampasikip lang 'to sa bag ko pero hindi pwedeng hindi ko 'to dadalhin.
hindi ko maiwan sa bahay dahil baka bigla mong maisipang makipagkita sa'kin para sabay tayong mag-lunch... gaya ng dati. hindi mo siguro alam, pero sobrang napapasaya mo 'ko kapag nagte-text ka na nasa malapit ka lang at kung pwede tayong sabay mag lunch. syempre, pwedeng-pwede. kahit pa sabihing maglalakad ako sa ilalim ng init ng araw para lang makapunta sa lugar kung san ka naghihintay, wala akong pakialam. basta makita lang lang kita, kahit ano pa, ok lang. baka rin bigla kang mag-text para sabihin sa'kin na kita tayo after office. masaya rin yun.
hindi ko rin maiwan sa office dahil malay mo, sa hindi inaasahang pagkakataon eh makasalubong kita sa daan. o sa kung saan man. sayang naman yung chance, di ba? sayang ang pagkakataon na maibigay ko 'to sa'yo. dahil binili ko lang 'to para sa'yo lang talaga.
kaya parati lang s'yang nasa bag ko. malay mo. baka sakali.
minsan, tinanong kita kung ano'ng middle initial mo. hindi ko kase sigurado kung tama yung alam ko. inaasar pa nga kita nun, paulit-ulit kong sinasabi yung mapangit mong pangalan. tapos, tinanong mo kung para saan ba. biniro kita. sabi ko, papadalhan kase kita ng wedding invitation, and i wanted to make sure na tama yung pangalan mo na ilalagay ko.
tapos, bigla kang nawala. maraming-maraming araw ang dumaan na wala akong narinig na kahit ano galing sa'yo. pasko. birthday ko. new year. pagkatapos ng ilang linggo mong pananahimik, bumalik yung joke ko sa'kin. ang pagkakaiba nga lang, hindi sya joke. totoo sya. yun nga lang, hindi mo 'ko pinadalhan ng wedding invitation.
december 21, 1998 - una kitang nakilala.
december 21, 2004 - namatay na pala ang isang bahagi ng pagkatao ko nang hindi ko man lang namamalayan.
christmas gift ko sana 'to para sa'yo. dito ko ipinalagay ang pangalan mo, pero walang middle initial. sabi mo kase, "nickname surname will suffice". ito nga ang pinakamahal at considered pinakamagandang christmas gift na binili ko last year. mas mahal pa kesa sa regalong binigay ko sa nanay ko. pero kahit ga'no pa kaganda 'to, mawawalan ng saysay kung hindi ko maibibigay sa'yo. kung pwede nga sanang akin na lang. o kung pwede sanang ibigay sa iba para hindi sayang. pero hindi pwede, eh. may pangalan. mas lalong sayang naman kung itatapon. christmas gift... pero malapit na ang valentine's day, nasa akin pa rin 'to. pwede na ring valentine gift. ang swerte ko naman sa'yo, ang tipid mong regaluhan.
may mga pagkakataong tinitingnan ko lang 'to. hindi ko napapansin na umiiyak na pala ako habang hawak at tinitingnan ko s'ya, at iniisip kita. ito ang saksi kung gaano ako kalungkot nung pasko at nung birthday ko dahil hindi mo ko binati. ang babaw ko, noh? pero madali lang naman kase ako pasayahin eh. isang text lang basta galing sa'yo, tumatalon na sa galak ang puso ko. pero dalawang pinakamahalagang araw ng taon ang pinalagpas mo. hindi kaya ng powers kong initindihin kung bakit.
ito rin ang saksi sa lahat ng sakit na naramdaman ko nung nabasa ko ang email mo. ito rin ang kasama ko nung gabing yun... nung gabing binalikan ko ang lahat ng mga masasayang ala-ala mo. masaya, pero umiiyak ako. ganun yata talaga.
ito ang dahilan kung bakit gusto kitang makita. kung bakit nung araw na bumalik ka at nalaman ko ang kwento sa likod ng pagtahimik mo, ang isa sa mga una kong itinanong sa'yo eh kung pwede pa kitang makita ulit. marami akong tanong. pero hindi ko sigurado kung gusto ko pa bang malaman ang sagot o hindi na. kung kakayanin ko ba o pababayaan ko na lang. pero sa ngayon, isa lang ang gusto ko. ang maibigay ang pinaka-espesyal na regalong binili ko sa pinaka-espesyal na tao sa buhay ko. noon. hanggang ngayon. at hindi ko alam kung hanggang kailan. isang huling pagkikita lang ang hinihingi ko. isang huling sulyap. isang huling hiling na sana mapagbigyan.
kailan kaya?
*** bigla kong naalala ang the da vinci code ko. napangiti ako. isang mapait na ngiti, sabay sabing... may pag-asa pa. hindi pala talaga pwedeng hindi na tayo magkita ulit. hindi pa pwede. ***