-::- here i am... this is me -::-

Friday, January 27, 2006

it's complicated

complicated.... ayos yan. yan nga siguro ang pinakamagandang description ng situation natin ngayon.

masaya ako nitong mga nakaraang araw. nakakatulog ng maayos. panatag ang isip. pero ngayon, sabi ng relo, 2:28 na ng umaga. pero heto at gising na gising pa rin ako. hindi na naman ako dinadalaw ng antok. balik na naman sa dati. hindi na ako magtataka kung sa mga susunod na araw, magkakasakit na naman ako.

pero paano nga ba naman ako makakatulog eh kauuwi-uwi ko lang. mga tatlumpung minuto siguro ang nakakaraan. matagal-tagal na rin akong hindi umuuwi ng ganitong oras. sa kagustuhang maglibang at magpalipas ng oras, at sige na nga, makalimot kahit sandali, napagpasyahan kong makipagkita kay boylet. ilang oras din kaming magkasama. masaya sana dahil ngayon lang ulit kami nagkita pagkatapos ng maraming buwan. pero pakiramdam ko, madaya ako. dahil sya ang kasama ko pero lumilipad naman ang isip ko. anong klaseng kaibigan ba ako?

sabi ko pa sa kanya, hindi man lang talaga ako tinext ng hayup na yun. yun eh pagkatapos kong maglabas ng sentimyento at sama ng loob. sabi nya, eh bakit hindi mo itext. ang sagot ko, ayoko... dahil hayup din ako.

maraming bagay na akong hindi naiintindihan. matalino naman ako, pero kung bakit hindi ko naiintidihan, hindi ko alam. kahit anong pilit ko... kahit anong gawin ko para maisaayos ang lahat, nauuwi at nauuwi pa rin sa gulo. eto na naman ako... nasisilip ko na naman ang mga bagay na ginagawa ko. nasa akin nga yata ang deperensya.

minsan, nahihirapan na akong magdesisyon. kahit sa maliliit na bagay. siguro dahil may takot na baka mali ang kalabasan. magsasalita ba ako o tatahimik? liliko ba o dederecho? iiyak ba o pagtatawanan na lang ang mga nangyayari? magtatanong o magsasa-walang bahala? ewan. ang labo.

"feeling ko, you're writing too much from within. just don't know if that's the purpose of blogs."

statement yan ni sir. may pagka-english kaya hindi ko maintindihan. ano kaya ang ibig sabihin nyan? paano ba malalaman kung too much? pag nagsusulat ba, dapat "semi" from within lang? positive ba yan o negative?

may nakapagsabi sa akin na kung meron daw akong gustong sabihin, sabihin ko na lang. wag ko nang isulat. wag ko nang i-blog.

pero hindi na ganun kadaling magsalita. lalo na kapag hindi ka sigurado kung may nakikinig sa'yo. may mga taong nagpapanggap na nakikinig pero hindi. may mga taong nakikinig pero hindi iniintidi yung pinapakinggan. may mga taong nasa kalagitnaan ka pa lang ng sinasabi mo, masahol kung nag-uumpisa ka pa lang, tapos hahadlangan ka na. mas masarap magsulat. dahil kapag nagsusulat, hindi ka aasa na may nakikinig sa'yo. hindi ka maghihintay ng pagbabago. hindi na mahalaga kung may makakabasa o wala. ang importante, nasabi mo kung ano ang gusto mong sabihin nang walang inaasahang reaction galing sa kahit na sinong tao. ikaw at ang keyboard ang nag-uusap. walang kakayahang sumagot ang keyboard kaya hindi ka naghihintay ng sagot kung may tanong ka man. pagkatapos mong magsulat, gagaan ang pakiramdam mo kahit papa'no. mas madaling mangusap ang mga daliri ko. kaya gusto kong magsulat. dahil ang pagsusulat lang ang totoong kakampi ko. ang pagsusulat lang ang hindi nagsasawang makinig sa mga sinasabi ko. eto lang ang maaasahan kong makasama hanggang dulo.

sa susunod na pagsilip ko, it's complicated pa rin kaya ang makikita ko? o baka single na ulet.

Sunday, January 22, 2006

seven

i had to climb six mountains to let you go,
to set you free and see you fly.
i move forth to the next step,
climbed the seventh mountain,
only to see you flying back to me.
as you rest your wings,
i held you gently in my arms and whispered...
welcome back... welcome home.

Monday, January 16, 2006

kupas

may apple.
parang masarap kainin.
nag-aanyaya.
parang sinasabi nya...
"halika, kainin mo 'ko."
binalak kong patulan.
pero hindi ko gustong kumain ng apple.
may iba akong gustong kainin.
kaya sabi ko, mamaya na lang.
madami na 'kong nakain.
iba't ibang pagkain.
yung apple, andun pa rin.
naghihintay.
maraming beses ko rin s'yang binalikan.
binalak kainin.
pero sa tuwing andun na ko at kukunin na s'ya,
biglang nagbabago ang isip ko.
parating may mas masarap kainin.
may ibang gusto.
mamaya na lang.
bukas na lang.
hanggang dumating ang oras
na gusto ko nang kumain ng apple.
pero yung apple, tuyo na.
parang hindi na masarap.
hindi na matamis.
wala nang lasa.
sa sobrang tagal ng paghihintay n'ya sa'kin,
nagsawa din.
napagod.
hanggang bumitaw na lang
at hinayaang mabulok ang sarili.
matagal n'ya akong hinintay.
pero nung gusto ko na ng apple,
wala na.
huli na ang lahat.
wala nang magawa.
sayang.

Tuesday, January 10, 2006

the end

like water in your palm
i slowly drip
little by little
i fall to the ground
and as the earth embraces me
i smile
that faintest smile
i bade you goodbye now
for my time to go has come

Monday, January 09, 2006

sugat

tinanong kita. ang sabi ko... magiging masaya ka ba kapag naging tayo na ulit?

sumagot ka. ang sabi mo... baket natanong? nag-iisip pa ako. siguro, oo.. pag maayos na ako..

sinagot kita. ang sabi ko... gusto ko lang pasayahin ka ulit. kung capable pa 'kong gawin yun. naisip ko, kung aantayin kong bumalik ka, baka hindi yun mangyari kase may kundisyon. may fear na baka pumalpak ka na naman at hindi matupad yung sasabihin mo kung sakali. kaya ako na lang. kakainin ko na yung pride ko at lahat ng sinabi ko. tapos, tatanungin kita... pwede ka na bang bumalik sakin?

hindi ka na sumagot.

nakaramdam ako ng sakit. napaisip. hanggang sa nakita kita ulit. sakit. lungkot. na itinago sa galit na anyo. pinilit kong wag umiyak nung niyakap mo 'ko. minsan ko na kaseng nasabi sa sarili ko na hindi na 'ko iiyak. gusto kong panindigan yun. kahit mahirap. kinakalkal ng maraming tanong ang utak ko. baket hindi mo na 'ko sinagot? ano ang ginagawa ko sa kama mo? baket ako matutulog na katabi ka? ano ba tayo? sumagot ang utak ko. wag ka na lang magtanong. makuntento ka na lang na kahit papa'no, magkasama pa rin kayo. kahit papa'no, alam mong andyan lang sya. malapit sa'yo. malay mo, bukas... baka sakali.

friends tayo.

declaration. statement. finality. masakit pakinggan. parang ansarap kotrahin. pero siguro nga, mas magandang gan'to na lang muna tayo. hindi nag-aaway. magkabati. kahit ilang beses na tayong muntik mag-away kanina habang magkasama tayo. alam ko, kung wala tayo sa sitwasyong ganito, away na yun. ramdam ko naman na nagpipigil ka lang. pinipilit mong wag magalit sa mga palpak kong ginagawa at sinasabi. alam ko yun dahil ganun din ako. lahat ng butas, pinalagpas ko. alam kong nagtataka ka kung baket parang ibang tao ako. iba ang expression ng mukha. iniisip mo siguro, galit kaya ako? o baka naman labag sa kalooban kong sumama sa'yo kaya ganun? napilitan lang kumbaga. pero ang totoo, nalulungkot ako. hindi dahil kasama kita. nalulungkot ako sa katotohanang kasama kita pero iba na. kung hindi mo nakita ang lungkot sa mga mata ko, mahusay. pwede na 'kong mag-artista.

pero kahit ganito na lang tayo, pwede ko pa ring sabihing masaya ako kapag kasama ka. masarap pa rin yung pakiramdam pag hawak mo yung kamay ko. masarap pa ring ihilig yung ulo ko sa balikat mo habang nanonood ng sine'ng hindi ko naman talaga gustong panoorin pero mas mahalaga sa'kin yung oras na kasama ka kaya ok lang. masarap pa ring kasabay ka sa pagkain. masarap pa ring isiping pinaglalaanan mo pa rin ako ng oras. kung sana lang, pwedeng hindi na matapos.

pero ang pinakamasarap isipin sa lahat ng pwedeng isipin... na mahal mo pa rin ako. sana, tama ako. na hindi ako dinadaya nung naramdaman ko kanina habang hawak ko ang kamay mo. na pwede ko pa ring sabihing malay mo... bukas... baka sakali.

Friday, January 06, 2006

statement

"dati, nung nalaman na nila, sabi ko aalagaan kita. kasi nga, mahal kita. mahal naman talaga kita. pero kahit ako sa sarili ko, hindi ko maintindihan kung bakit ganito na ngayon. hindi na kita naaalagaan. hindi na ko natupad sa sinabi ko. at kung titimbangin mo na, parang ang laki ko nang pagkakamali. na mas mabigat na yung sakit kesa dun sa masaya. hindi ako magaling sa kahit anong relasyon, pero sayo lang ako tumagal. sayo lang ako nakaramdam ng gantong pag-iintindi at pag-aalaga. ikaw lang ang taong tumanggap sa kung ano man ako at sa kung sino man ako. pero sinayang ko din. sarili ko na naman ang inisip ko. sa dami ng taong nagmamahal sayo, ako pa yung minahal mo. iniisip ko ngayon na sana hindi mawala yun. na sana hanggang kelan man, mahal mo pa nga ako. ako, mahal pa rin kita. iniisip ko na sana hindi na mawala kung ano man yung meron tayo dati. sa dinami-dami ng sinabi ko, hindi ko pa rin alam kung ano yung dapat para hindi ka mawala sakin. pero i blew it. lahat na siguro ng kapestehan, nagawa ko na sayo na sa puntong napuno na... na umabot na sa sagad. pero sana, may karugtong pa. sana.... hindi ko na alam. sorry."

ang sarap sana. pag ikaw ang pinagsabihan ng ganyan, siguro naman lalambot din ang puso mo. mawawala yung galit na nararamdaman mo. kakalimutan mo na lang ang lahat ng nangyaring hindi maganda.

pero kung wala namang nakitang pagbabago... kung pagkatapos lang ng ilang oras, nag-aaway na naman kayo, parang wala din.

"mas ok nga sigurong wag muna tayo mag-usap kung mamasamain mo lang din naman ang lahat ng sasabihin ko. hindi mo na rin naman ako naa-appreciate. hiwalayan mo na lang muna ako gaya ng gusto mong mangyari. balikan mo na lang ako kapag kaya mo na akong pakisamahan ng ayos. asikasuhin mo na lang muna yung madami mong ginagawa para hindi mo na naiisip na hindi mo na ako naaalagaan. malaki naman na ako. masasanay din ako nang hindi umaasa sa presence mong hindi ko na rin naman masyadong nararamdaman. wala na rin naman akong silbi sa'yo sa tingin ko."

ang saya.

Wednesday, January 04, 2006

sari-sari

ang tagal ko na palang hindi nagsusulat. natatamad na ba akong mag-blog? hmmm... hindi naman siguro. gagamitin ko na lang ulet ang nakakaumay na reason na wala lang oras. o kaya, walang maisip isulat.

kamusta ang pasko? ako, masaya. kase, for the first time in 16 years, kasama ko ang nanay ko nung pasko. meron akong 13 days para makasama sya. december 24 to january 5.

kaso, nang-aasar talaga ang tadhana. yung 13 days, nabawasan pa ng tatlo. na-praning kase yung boss ko at ipinatapon ako sa singapore para umattend ng seminar. december 28-30. banas talaga. dahil nung araw na lumipad ako papuntang singapore, birthday ng nanay ko.

wala namang masyadong nangyari sa singapore. ok lang yung seminar. masyadong technical pero ayos naman. naintindihan naman basically. may bago akong natutunan: ang konsepto ng reverse auction. mahirap intindihin ang english ng speaker dahil english na tunog chinese ang salita. nung una nga, medyo ok-ok pa. pero kinalaunan, lumabas din ang pagiging tubong singapore ng lolo. nawindang na 'ko kaka-concentrate para lang maintindihan ang sinasabi nya. sabi nga ni sharlene, dulo na lang daw ng statement ang iniintindi nya para may maintindihan sya kahit papa'no. it wasn't easy lah!

nakakatawa. walo ata yung participants, at halos lahat sila, matatanda na. may mataas na position sa company nila. samantalang kami ni sharlene... hay... dumating kami sa point na parang gusto na lang naming matapos yung seminar at lumabas ng seminar hall dahil feeling namin, hindi kami nababagay dun. mas ok sana kung si boss mismo ang umattend. bukod sa nanliliit kami, hindi rin namin masyadong maintindindihan ang salita nila kaya hindi kami nakikipag-usap masyado. nung lunch nga, sa isang long table kami kumain. kwentuhan sila. business ventures, global chenelyn and stuff. kami ni sharlene, tahimik lang na kumakain. pagkatapos namin, nag-excuse ako sa katabi ko. english version ng "ok lang ba kung mauna na kami?" sumagot naman sya, sabi nya, "do you know your way to your hotel room?" ha? ano daw? out of place na out of place kami kaya umakyat na lang kami sa room. bumalik kami ng seminar hall ng 1:30 dahil yun ang sabi ng speaker. kung kami ang masusunod, hindi na sana kami babalik. pero nakakahiya naman ata yun.

at dahil hindi naman namin alam kung saan kami pupunta, nakuntento na lang kami sa pag-ikot sa mall sa tapat ng hotel at sa maliliit na stores sa paligid ng hotel. wala namang masyadong makitang bibilhin kaya wala kaming nabili. tama rin ang sabi ni mommy... hindi nga praktikal mamili sa singapore dahil ang mamahal. pag may nakikita nga akong item na medyo gusto kong bilhin, mentally eh nagko-compute ang utak ko kung magkano ba papatak ang presyo nun sa piso. tapos, bibitawan ko na yung item. nakakapaso. halos lahat naman kase ng nakita namin dun eh meron din dito. ayus lang naman. ang kaso, sangkatutak na pang aasar ang inabot ko sa mga tao sa bahay pag-uwi ko. mabuti pa daw pag sa mga probinsya ako napupunta, parating may pasalubong. kung kelan pa daw lumabas ako ng bansa eh tsaka pa ko walang dala pagbalik ko.

may mga bagay din akong na-realize nung andun ako. gaya ng: hindi naman pala nakakatakot sumakay ng eroplano. para ka lang sumakay ng bus na dumadaan paminsan-minsan sa baku-bakong kalye; kapag pala naka-roaming ang smart prepaid, lahat ng texts at calls na natatanggap mo, charged sa'yo. 20 pesos sa text, ewan ko sa calls, hindi ko na-monitor. mali pala ang pagkakaalam ko na kapag incoming text, walang charge. at hindi ka pedeng tawagan ng prepaid, naka-line lang ang may kakayahang tumawag sa'yo. at kapag wala ka nang load, nde ka na matatawagan; kelangan ng tyaga sa pagtimpla ng tubig sa shower hanggang makuha mo yung tamang lamig na gusto mo; kung sa pilipinas, dine in or take out, sa singapore, dine in or take away; paminsan-minsan, mako-conscious ka at aamuyin ang sarili mo, tapos ipagmamalaki mong hindi pala ikaw yung mabahong naaamoy mo, yung katabi mo palang singaporean yun; normal lang sa mga tao sa singapore ang umutot in public. sa restaurant, sa mall, sa kalye, sa hallway ng hotel, sa eroplano; kaya ko palang hindi magyosi ng tatlong araw kung gugustuhin
ko.


at ang isa siguro sa pinaka-cool na bagay na nakuha ko sa trip na yun: nagkaroon na ng tatak ang inaamag kong passport. hahahahaha!

pagbalik ko ng pilipinas, birthday ko na. sosyalan. nag-birthday ako sa dalawang bansa. sinundo ako nina mommy. sabi nya, first time nya lang daw sumundo sa airport. parati kaseng sya ang sinusundo ko. namin. hinihiritan nga nila ako na magpakain naman daw ako kase birthday ko. call naman ako. sabi ni mommy, iuuwi muna daw yung mga gamit tapos tsaka lalabas ulit para sa treat ko sa kanila. pagdating naman ng bahay, andaming food. birthday ko daw kase. pa-welcome back treat na rin. touched naman ako. normally kase, dumadaan lang ang birthday ko na parang ordinaryong araw. walang celebration. walang handa. parang wala lang. naisip ko, anlakas ko pala sa nanay ko kase ipinaghanda nya ako. muntik na 'ko maiyak, pramis.

sa mga taong bumati sakin nung birthday ko, salamat. mahal ko kayong lahat. sa mga hindi naman nakaalala man lang na batiin ako, wala tayo. tabla-tabla tayo. hindi ko kayo bati!

"The artist is nothing without the gift, but the gift is nothing without work." - Emile Zola (1840-1902)

-::- About Me -::-

Name: shadowlane

Location: Pasig City, Philippines

people think i'm crazy. most of the time they're right.

Get awesome blog templates like this one from BlogSkins.com