panaginip
tinanong ako ni bes kung ok lang daw bang magkwento ng panaginip kahit na masama. sabi ko, ok lang naman. it's just a dream. hindi totoo. panaginip nga eh. hehe.
sabi nila, ang panaginip daw ang naglalarawan ng kung ano'ng nasa isip ng isang tao. kung ano yung mga gusto mong mangyari na hindi mo magawa sa totoong buhay, lumalabas na lang sa panaginip.
pero ako, medyo matagal na 'kong hindi nananaginip. ewan ko ba. siguro dahil na rin hindi naman ako mahilig matulog. managinip ng gising kaya? pede din!
anyways... napanaginipan daw n'ya ako. masaya daw kaming naglalakad habang nagkukwentuhan, kasama ng isa pang prend na hindi nya alam kung sino. hindi n'ya nakita ang mukha, pero sigurado sya na isa sa mga kaibigan namin ang taong yun. otherwise, baket namin kasama? hmmm... makes sense.
tapos, medyo nauuna daw kami sa paglalakad nung isa. bale nasa may likod namin si bes. tapos, sumigaw sya, pinigilan kami sa paghakbang. sabi nya, "wag dyan!" [wag dyan, wag dyan.. may kiliti ako dyan hehehe] eh pero derecho daw kami sa paglakad. tapos, para daw lumindol at bumuka ang lupang kinatatayuan namin nung "prend". tapos, unti-unti kaming nilalamon ng lupa. tapos, may tubig galing sa ilalim. naging parang dagat yung bumukang lupa. hanggang sa tuluyan na kaming nilamon ng tubig papalayo kay bes. kumakawag-kawag pa nga daw yung kamay ko na para akong nalulunod habang inaanod ng tubig. tapos... tapos na.
nakita nya ang sarili nyang nakatayo sa may gilid ng pinangyarihan ng krimen. hehehe. tamang onte na lang eh malalaglag na rin sya. swerte lang dahil nauna kami sa paglalakad nung "prend". somehow, parang nakita nya yung mangyayari kase pinigilan pa nya kami sa paglakad. tapos nun, ang lungkot-lungkot daw nya. nagising syang mangiyak-ngiyak.
tapos, naalala nya yung mga habilin ko sa kanya. ano na nga daw ba yung mga ipinagbilin ko sa kanya dati. hehehehe.
natakot sya... pano daw kung magkatotoo. sabi ko naman, panaginip lang yun. usually, ang panaginip, kabaligtaran ang nangyayari sa totoong buhay.
syempre, nag feeling dream interpreter naman ako. ako ata ang involved sa panaginip nya. AT NAMATAY LANG NAMAN AKO !!! scary.
sabi ko, siguro mamamatay na nga ako talaga. hehe. joke. siguro, somehow, may threat syang nararamdaman na baka may umaagaw na sa bespren nya. kaya sa dream, tatlo kami, tapos yung isa, faceless. aagawin ako sa kanya ng faceless na taong ito at isasama sa paglubog ng kumunoy. errr... drastic masyado. hehehe. pero nauuna kaming maglakad ng faceless na tao, nasa likod lang namin si bes. so parang in a way, naiiwanan ko sya dahil mas nagbibigay ako ng oras sa taong yun. na baka in the long run, tuluyan ko na syang ipagpalit at i-declare na lang isang araw na ang faceless na taong ito na ang bes ko!
sabi nya... siguro nga.
tapos, may mga binanggit sya na kapag daw kase magkasama kami, parang may hinahanap pa akong ibang tao. nung nanood kami ng avril, sabi ko, sana nandito si gracey. uyyy... lumalabas ang mga hinanakit. hehehe. pero tama naman sya dun. hindi naman sa hindi ako enjoy na sya lang ang kasama. ang akin lang, mas marami, mas masaya.
tapos, indirectly na sinabi nya na mas madalas daw akong mag-spend ng time kasama yung ibang mga friends ko.
isa lang ang isinagot ko sa sinabi nya... sabi ko : "eh may oras ka naman ba para sa'kin?"
magkasama kami sa trabaho. araw-araw kaming nagkikita. pero madalang kaming mag-usap. ang weird nga. magkasama kami mula umaga hanggang gabi, anim na araw sa isang linggo. pero hanggang office lang ang pagsasama namin. hindi na nga kami lumalabas. ang pinakalabas lang namin eh mag lunch out. madalas ko syang ayain gumimik pero parati syang tanggi. madaming reasons. most of the time, madami daw syang gagawin. trabaho, trabaho, at marami pang trabaho. pag inaaya ko syang sumama sa labas namin ng iba kong friends, ang parati nyang sinasabi, maa-out of place lang sya. reasons. excuses. ewan!
si bes ang taong balancing figure ko. kung gaano ako kakulit, ganun din sya ka-reserved. pero lately, natututo na rin syang mangulit. which is a good thing.
si bes ang taong may gustong sabihin pero kinikimkim. gustong magreklamo pero pinipilit manahimik. iyakin pero sinosolo ang sama ng loob. ako, kung ano gusto kong sabihin, sinasabi ko. ilag na lang ang mga tatamaan. pag gusto kong umiyak, umiiyak ako. wala akong pakialam sa sasabihin ng makakakita.
si bes ang taong ayaw na ayaw humingi ng tulong. minsan, obvious na obvious naman na hindi na nya kaya ang isang bagay, at oras na para humingi ng saklolo, pero mas gugustuhin nya pang magpakahirap kesa sabihin na... "oist, patulong naman." madalas kesa hindi, ipaparamdam nya sa'yo na hindi ka nya kailangan at kaya nyang mabuhay mag-isa. ako, pag hindi ko kaya, sisigaw agad ako ng "saklolo!!!" mas gusto kong ipaalam sa kapwa ko na kailangan ko sila sa buhay ko.
marami pa. maraming-marami pang differences. mas malamang nga ata ang differences kesa sa similarities naming dalawa. yan si bes.
pero kahit ganyan si bes, kahit maraming bagay kaming hindi pinagkakasunduan [na hindi namin nadi-discuss dahil nga mas gusto nyang manahimik at itago sa sarili nya ang opinions nya], kahit pa sabihing magkaibang-magkaiba kami... mahal ko yan.
minsan, itinanong ko sa kanya kung ano ang gagawin nya kung sakaling meron akong makaaway tapos ako yung mali. kakampihan ba n'ya ko? hindi sya nakasagot agad. pagkatapos ng mahabang pag-iisip, sabi nya, "hindi kita kakampihan kase ikaw yung mali, eh".
sabi ko... "yan ang malaking pagkakaiba natin. kase kung ikaw ang mapunta sa ganung situation, may nakaaway ka at ikaw yung mali, kakampihan pa rin kita. kase bestfriend kita, eh. kahit pa mali ka, parati akong nasa side mo. kakampihan kita sa harap nilang lahat. tapos, pag tayo na lang dalawa, tsaka ko sasabihin sa'yo kung ano yung sa palagay kong mali mo." yan ang bes ni bes.
siguro, kaya kong talikuran ang lahat ng mga kaibigan ko pwera lang si bes. nag-iisa lang kase yan. kahit madalas na napi-plip yan, at minsan medyo paling mag-isip, mahal ko yan. marami pa sigurong tao ang darating sa buhay ko pero hindi na ko makakakita ng pamalit kay bes. kahit siguro lamunin pa ko ng lupa na may tubig, pipilitin at pipilitin kong umahon pabalik sa kanya. iisa lang yata ang balancing figure ko sa buong mundo. :)